SA PILING NGA MGA SUGAPA

Published April 22, 2010 by putrizk

Sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos, ay nakakasalamuha natin ang mga taong matatawag nating SUGAPA. Mula pa noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan, ang mga sugapang ito ay nagkalat na sa bawat sulok ng lipunang ating kinabibilangan.

Sa pagkamulat ng ating mga mata sa umaga ay maririnig na natin sa labas ng ating munting tahanan ang mga sugapang nagpapalitan na ng murahan sa labas ng kalsada, o di kaya’y mga sugapang kay aga aga ay umiinom na ng alkohol sa kanto. Ang mga sugapang ito ay laman at parte na ng ating pagka Pilipino.

Sa paglalakad natin patungong opisina o di kaya’y sa eskwelahan ay nakakasalubong natin sila. Sila na kung titingnan ay mga karaniwang tao na gaya ng isang hunyango ay kayang itago ang kanilang nakasusulasok na anyo na maaaring ihambing sa isang nakakatakot na halimaw sa pagkagat ng dilim.

Sila na nakaugalian nang sangkalanin ang pagiging mabuti sa kanilang kapwa kahit, sa katotohanan, ang pagkasugapa lamang sa kapangyarihan, impluwensya at sari-saring pribilehiyo ang pinaggigigilang yakapin nang husto.

Sa pagsisimula ng trabaho sa opisina o kaya’y pag-aaral sa loob ng classroom ay naroon pa rin ang mga sugapang handang gawin ang lahat, upang mapanatiling mabango ang kanilang pangalan kahit, kapalit nito’y bansagang imoral at kung anu anong masamang salita na maaaring ibato sa kanila. Mga taong masahol pa sa tuko kung kumapit sa kung sino man ang nasa kapangyarihan. Bahagi ito ng kanilang makasariling planong mangunyapit at gamitin ang pagkakataon sa kanilang sariling kapakanan.

Naiisip ko kung mayroon pa kayang natitira kahit na kaunting delikadesa o pagpapahalaga sa sariling dangal sa kanilang pagkatao? o sagad-buto na ang kanilang pagnanasang mapanatili sa ruweda ng nakaririmarim na transaksyon. Baka nga ang natitirang nilang delikadesa ay basahan na lamang sa pasilyo ng kanilang kinalulugaran o pamunas pa ng kanilang puwit araw-araw.

Nakakalungkot isipin ngunit hindi ko rin maiwasang mainis sa aking mga nakikita at naririnig sa aking kapaligiran dahil sa tila lumalaking populasyon ng mga SUGAPA sa ilalim ng lipunang mamon ng ating bansa. Sino pa nga ba sa naghambalang na mga sugapang ito ang may takot pa rin sa Diyos? Malinaw na pulido ang pagkakahulma ng sementado nilang pagmumukha kaya, kahit isumpa na sila ng kanilang kapwa ay nananatili paring nakatayo at taas noo.

Bakit kaya umusbong pa ang mga katulad nila sa mundo? bakit sa patuloy na kahirapan ay sadyang nakikisabay pa ang mga sugapang ito sa pagpapahirap at pagbibigay sakit ng ulo sa ating mga simpleng mamamayan? Wala na nga talagang imposible sa ilalim ng lipunang mamon. Matagal nang nabibili ang mga prinsipyo’t paninindigan, maging karangalan, sa pamamagitan ng limpak-limpak na salapi at masaganang mga konsesyon.

Sa loob ng ating modernong panahon, sino pa nga ba ang hindi nabibili sa tamang halaga?

Sa pagbaba ni haring araw mula sa kalangitan at sa paglatag ng unti-unting kadiliman na sabay sa pagtatapos ng ating mga gawain sa opisina at sa eskwelahan ay nasa tabi-tabi lamang ang iba pang uri ng sugapang nagmamatyag at handang umatake anumang oras nila gustuhin. Mga sugapang handang kitlin ang ating buhay makuha lang ang kanilang minimithi. Kay sakit sabihing ilan sa kanila ay mga kabataang inaakala ng iba na pag-asa ng bayan ngunit maagang nagtampisaw sa putik ng kasalanan. Sa kabila ng bubot pa nilang kaisipan, sila ay madaling bumigay sa mga pagsubok, pagsubok na gumahasa sa kanilang kamusmusan at pumatay sa kanilang pagkatao kaya ganito ang kanilang kinasadlakan. Kahabag-habag subalit iyan ang katotohanan, kabilang na rin sila sa mga SUGAPA.

Bigla ko tuloy naalala ang kanta ni Freddie Aguilar na Bulag, Pipi, at Bingi. Hindi nalalayo sa atin ang tunay na mundo, marami sa atin ang nabubuhay ng kagaya nila na hindi makakita, hindi makarinig at minsa’y nauutal tungo sa hinahangad na buhay na banal.

Napakaraming nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan at ayaw magsalita sa mga nangyayaring kagaspangan at kabulastugan ng mga naghahari-harian. Sa masidhi nilang pangungunyapit sa inodoro ng kapangyarihan. Isang bagay ngayon ang hindi mapag-aalinlanganan, marami sa atin ang takot na imulat ang ating mga mata, buksan ang ating mga labi at linawan ang ating pandinig laban sa mga sugapang ito. Gaano man kalaki ang isupalpal sa mala-imbudo nilang bulsa – maikasa lamang ang mga baraha tungo sa katuparan ng masidhi’t makasariling mga ambisyon, huwag nating hayaan na patuloy na lumobo ang kanilang tiyan at lumaki ang kanilang mga ulo. Huwag tayong maging bulag, pipi, at bingi tungo sa pagbabago.

Hanggang sa muling pagpikit ng ating mata sa pagtulog ay maaaring sundan parin tayo ng mga SUGAPA sa ating panaginip at hindi malayong humantong ito sa isang kakila-kilabot na bangungot. Habang nabubuhay ang mga tulad nila, ay para silang bangungot na susulpot at hihimayin ang ating gunita tungo sa walang hanggang pagkabagabag.

Sa ngalan nga ng pagkasugapa sa kapangyarihan ng iba, may mga nagsasabing wala na daw ngayong moral o imoral, legal o ilegal, etikal o garapal. Ano pa nga ba ang delikadesa’t kredibilidad, dignidad, at prinsipyo o paninindigan basta mairaos lang ang kanilang pansariling kaligayahan kahit ito’y hindi na naayon sa tama at nakakasagasa na ng iba. Punyeta lang ba ang katumbas ng patuloy na kontrolado’t pagsasalaula nilang mapagsamantala’t mga diyus-diyosan?

Hangga’t ang ilan sa atin ay hindi natututong magkaroon ng boses sa araw-araw nilang panghahabi ng kaapihan tungo sa higit na miserableng pamumuhay, hindi tayo kailanman makakawala sa piling nila.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: